top of page

BUHAY-TIBAK

'Di Lang Basta Tibak

By Dhalia Mae Ga-as

Narinig mo na ba ang mga linyang iyan? Na-LSS ka na ba? As in, “Last na Sigaw Syndrome”?

Ang mga sundalo ng PUP habang ipinaglalaban ang karapatan ng bawat mag-aaral.

“PUP budget ‘di sapat! Two billion dapat!”

“Mga classmates! Papayag ba kayong maging kolonya tayo ng mga taong nananamantala sa’tin?”

“Edukasyon! Edukasyon! Karapatan ng mamamayan!”

“Makilahok! Makialam! Para sa’tin ‘to!”

Narinig mo na ba ang mga linyang iyan? Na-LSS ka na ba? As in, “Last na Sigaw Syndrome”?

Paano ba naman? Matapat ka lang sa lugar na kung saan puno ng mga banners, posters at kung anu-anong anik-anik, tiyak na maririnig mo agad ang malalakas na sigawan ng mga sundalo ng PUP. Sundalo, sapagkat sila lang naman ang mga estudyanteng handang mapaos sa kakasigaw, kakasalita at kakakanta, maiparinig lang sa bawat PUPian na dapat nating imulat an gating mga mata sa pananamantalang nangyayari ngayon sa edukasyon na pilit nating pinoprotektahan. Patuloy nilang hinihikayat ang lahat na makiisa sa paglaban sa mga imperyalista sa ating unibersidad.

Ngunit hindi maipagkakaila na dahil din sa kanila, nagkaroon ng konotasyon ang PUP na puro aktibista ang mga bumubuo rito. Naging tatak na ng bawat PUPian ang mga katagang “aktibista”, “rally” at “manununog ng upuan”. Mayroong ibang ayos lang sa kanila ang ganoon. Mayroon din namang hindi at inaayawan ang ideyang “pa-epal” din sila. Ang mga taong ito ang madalas na walang pakialam sa mga sundalo ng PUP at dinadaanan lang ang huli.

Pero sino nga ba ang may mabuting hangarin para sa unibersidad? Ang mga estudyanteng nagkikibit-balikat lang at payag sa lubhang pagtaas ng matrikula? O ang mga estudyanteng nagsunog ng upuan at nakulong dahil ipinaglaban nila ang kapakanan ng nakararaming PUPian?

Ikaw!

Bilang PUPian, mahihikayat ka kaya nilang sumali sa mga rally at makilaban sa pagkamit ng dalawang bilyong pisong budget? O babawi ka, magpipikit-mata at hahayaang kolonyahin ng nasa kapangyarihan ang iyong sintang paaralan.

PUPian ka. Mag-isip ka. ###

bottom of page